Biyernes, Pebrero 25, 2011

MUNTING HILING NG MAY KAARAWAN



Akalain ko bang ganito ang pamilya ko? Ano ang nasa isip ko noon? wala... dahil wala pa naman akong muwang sa mundo noong nasa sinapupunan mo ako. Hindi ko alam ang buhay na tatahakin ko na ikaw ang magpapatakbo. Ang tanging nalalaman ko, nabuo ako dahil sa inyong pagniniig, ng init ng damdamin na sa puso nyo ay nananaig. Ng tamis ng pagmamahalan na inyong nararamdaman. Ng inyong pangarap na para din naman sa inyo. Mahabang panahon din sako sa iyong sinapupunan, naghihitay ng tamang panahon para ako ay iluwal at matupad ang inyong pangarap.

Dumating ang araw na ako ay isinilang, nagbunyi kayo aking mga magulang. Napalitan ng tamis at ngiti ang sakit na iyong naramdaman sa pagluluwal sa akin. Ipinakilala nyo ko sa buong sanlibutan. Ako ang inyong anak na magaahon sa inyo sa kahirapan. Ako ang tutupad ng inyong mga pangarap. Ako ang tatapos sa pananamantala ng aking kapatid. Oo, may kapatid pala ako na labis ang inyong pagkasuklam. Pero sa aking pagkakaalam. Noong araw na nasa sinapupunan mo ako, pinlano nyo ang pagkitil sa isa pa ninyong anak. At kasabay ng aking pagsilang, kamatayan naman sa aking kapatid. Aking kapatid na hindi na ipinagbuntis at sapilitang sa inyo ay isinilang. Ang aking kapatid na sa inyo ay nagpahirap. Batid yun ng lahat.

Dumaan ang maraming taon sa aking buhay. Mga taon ng aking buhay  na kayo din naman ang may kagustuhan. Mga taon na naging malungkot sa akin. Dahil sa mga panahong iyon, kontrolado nyo ang aking pagiisip at damdamin.

Ngayon ang aking kaarawan, nalulungkot ako at nahihiya sa aking kapatid na inyong pinaslang. Nahihiya ako dahil sa inyong pagkakaalam, kalupitan at kahirapan ang ibinigay niya sa inyo. Kahihiyan para sa ating lahi. Pero ako, taon taon nyong ipinagdiriwang ang aking kaarawan, ano ba ang nagawa ko para sa inyo? Naghangad kayo ng kaginhawan sa akin noon pero naging masahol pa ang inyong kalagayan ngayon. Ano na lamang ang sasabihin ng aking kapatid sa akin?

Dalawampu't limang taon ang lumipas mula ng akoy isilang. Kung may kahilingan ang may kaarawan, pahihintulutan mo bang ako ay humiling ng aking nais? Hihilingin ko lang sana.. Ibalik nyo ang alab ng inyong damdamin at init ng pagmamahalan na inyong naramdaman noong ako ay binubuo nyo pa lamang. Ibalik nyo ang inyong mga pangarap noong akoy nasa iyong sinapupunan.  Ibalik nyo ang tunay na pagkakaisa at kapit bisig noong ako ay  isilang. At  inyong isapuso at isabuhay  ang lahat ng ito habang ako ay nabubuhay.






Miyerkules, Pebrero 23, 2011

SALAMIN

Lunes, Naglalakad ako galing sa trabaho ng masalubong kita.

"pare, may problema ko eh, may pera ka ba jan, pahiram muna"

"O sige, pagdating ko sa bahay bibihis lang ako at samahan mo muna ko bago kita pahiramin"

"Ok pare, aprub, san ba tayo pupunta"

"Punta tayo sa ospital, dadalawin lang natin ang may sakit"

Kinabukasan, habang naghahalo ako ng semento sa aking pinagtatrabahuhan, nagtxt si inay na nandun ka daw sa bahay, probelamdo ka at ako ang iyong kailangan. Nagpaalam ako sa amo ko, umuwi ako kahit hindi pa  oras ng uwian.

"Pare, dito muna ko, badtrip si tatay, napagalitan ako."

"Alam ko na pare, sige tutal eh nandito ka na rin lang, samahan mo ko sa bilangguan, dadalawin natin ang kaibigan kong preso."

Nung gabi din na yun, ayaw mo pa umuwi dahil tiyak na sermon ang dadatnan mo sa bahay. Bumili ako ng isang gin at iyon ang ating pinagsaluhan. Pagkatapos ng inuman, niyaya kita sa bayan. Ayaw mo pang sumama dahil sa tinatamad ka sabi mo. Pero pinilit kita. Sa bayan, palibhasa malapit na ang pyesta, maraming tao. May nakita akong pulubi, sabi ko sayo halika at tabihan natin yun.

"Lasing ka ba, lakas ng trip mo ah"

"Gago, basta ride ka lang sakin.. unahan tayong may mahinging limos"

Umupo tayo sa tabi ng pulubi at nagkunwang kagaya nya, lumipas ang ilang oras at malapit ng maubos ang tao pero wala pa din tayo nakuhang limos ni singko. Ang sabi mo,

"langya ang lakas ng trip mo, ang hirap naman pag ganito, magugutom tayo nyan."

Niyaya na kita umuwi pagkarinig ko sayo nun, puro ka reklamo. 

Araw noon ng biyernes, pinasya kong lumiban sa trabaho. Dumaan ako sa inyo bandang alas dyes ng umaga, alam ko ganitong oras tulog ka pa. Kakamot kamot ka pa sa ulo na lumabas ng kwarto. Sabi ko sayo, maligo ka na at may pupuntahan tayo, ayaw mong sumama sakin dahil sabi mo, ang init.. nakakatamad. Pero pinilit kita, walang nagawa dahil sa may utang ka sa akin.

"Saan ba tayo pupunta"

"Relax ka lang.. akong bahala sayo."


Natanaw mo ang karatula sa lugar na binabaan ntin sa jeep "Bahay na walang hagdanan".

"Anong gagawin natin jan"

"Dadalawin natin ang mga batang walang magulang at ang mga matatandang iniwan ng kanilang anak"


Pagkatapos doon, akala mo uuwi na tayo, nakatulog ka pa nga sa byahe, ginising lang kita ng bababa na tayo, sa tapat ng bahay ng mga may kapansanan. Sabi mo pa,

"Oh pare, alam ko na, dadalawin natin ang mga may kapansanan"

"Tumpak, tara na sa loob"


Bago tayo umuwi, humihiram ka na naman ng isang libo. Kamot lamang ako sa ulo ko, sabi ko sige, bukas magpunta ka sa bahay.

Sabado ng umaga, maaga kang nagpunta sa bahay, nasa harap ako ng aming tindahan at nagwawalis, kinukuha mo sakin ang pinangako kong perang ipapahiram sayo, sabi ko sayo, pumunta ka sa kwarto, nandun sa may life-size na  salamin at kunin mo na.   Lumampas ka sakin pagkagaling sa kwarto, ang sabi mo pa..

"Pare, maraming salamat sayo, astig ka"

Linggo, araw ng pahinga, lumipas ang maghapon na hindi kita nakita. Ni ang lumabas yata ng bahay ay hindi mo ginawa. Isa.. dalawa.. tatlong linggo.. wala akong balita tungkol sayo. Sa isip isip ko.. mabuti naman. Isang buwan at kalahati ang lumipas, linggo noon, abala ako sa paglilinis ng bahay ng ikaw at dumating.

"Aba pare, nagpakita ka din"

"Oo pare, heto ang bayad sa utang ko, pasensya ka na kung natagalan, unang sweldo ko kahapon.  Oh tigilan mo muna yan, tara sa bahay. May ipapakita ako sayo.

Diretso tayo sa bahay nyo, sa iyong kwarto ako ay iyong tinawag. Aba at may lifesize ka na din na salamin. May nakadikit na papel na may sulat, isa isa kong binasa. Mga lugar na pintuhan natin noon at ang ating ginawang pamamalimos sa katabi ng pulubi, ito ang mga sinulat ko at idinikit ko sa salamin sa aking kwarto noong gabing magsabi ka sakin ng pera.

"Pare,kinuha ko mga yan sa salamin sa kwarto mo,sinadya mong idikit yan doon walangya ka, simple kang tumirada. Oo, nakuha ko ang gusto mo, kung hindi pa sa salamin ninyo, di ko makikita ang sarili ko. Ang laki ng katawan ko, malusog, malakas.. hindi kagaya ng mga pinuntahan natin noon  pero nagsusumikap samantalang ako bakit hindi magkusang maghanap ng trabaho. Tapos puro pa reklamo. Napahiya ako sayo noon, pero ngayon pare, salamat"

"Mabuti naman at nakuha mo ang gusto ko sabihin, dahil ayaw kong magalit ka sakin pag pinagsabihin kita ng diretso. Baka magtampo ka pag sinabihan kitang ang kapal ng mukha mo. Pero ngayon pare, magbihis ka at may pupuntahan tayo."

"Saan na naman yan pre, may dadalawin na naman ba tayo?"

"Oo sa bayan, dadalawin natin ang fast food doon. Aba eh elilibre mo ako ng tsibog ngayon"

"Ok pre, aprub"





***HIndi lang para sa mga batugan o puro reklamo na walang pera.. para din sa mga may problema.. sa pamilya, sa pag-ibig, sa kahirapan. Kung tutuusin, ano mang dagok ang dumating sa ating buhay, tuldok lamang iyan kumpara sa iba.  Ang porblema, hindi yan iniisip, hindi yan pinproblema, ang intindihin at ang isipin dapat ay ang solusyon.






Lunes, Pebrero 21, 2011

PULUBI




Nakasandal ako sa weyting shed isang umaga,naghihintay ng byahe paluwas ng maynila.  Nakadalawang stick ng ko ng marlboro pero wala pa ding nadaan na byahe. Alas nueve y biente ang oras sa aking relo. Higit kalahating oras na din pala ako dito. Sa di kalayuan may pumukaw ng aking pansin, isang taong grasa na nagkakalkal ng pagkain sa isang basurahan.

Tatlong estudyante ang patawid sa kalsada, nakitawid din ang taong iyon kasunod ng tatlong babaeng palapit sa shed na kinatatayuan ko.  Bulong ng bulong ang pulubi, patingin tingin sa kung saan saan. Kasabay pagbulong na iyon ay ang hagikihikan at ang paglaladian ng talong babae, pawang kinikilig sa kanilang kwentuhan. Hindi alintana ang pulubing sa kanila ay unti unting lumpalapit.

"Ikaw Luz, diba ikaw iyan, at ang kapatid mong si vilma, aha at ikaw, ikaw nga si minda.." sigaw ng babae sa tatlong etudyante na pawang nagulat.. Nagtakip ng ilong sabay alisan sa pwesto. Kita sa reaksyon nila ang pandidiri sa pulibi.. oo nga naman, baka madumihan ang mga puti nilang damit.

"ewwww, yuck, shit, so kadiri" ang mga katagang lumabas sa bibig ng talong babae. Walang nangahas na sagutin ang tanong ng pulubi. Nagtakip ng panyo sa ilong. Imiikot ang mata sa inis.

"Ang aarte nyo, samantalang kayo ay ako din.. teka, kayo ang mga pinalad no? kayo ang huwad na pagkataong pilit nyong ibinidikit sa akin. Kayong tatlo, hindi nyo matangap na kagaya ko kayo, tinitago nyo ang katotothanan.. Bakit? dahil ang suot nyo ay puti? ang wika nyo ay ingles? Aha, alam ko na, hindi nyo kayang tanggapin na ganito ako no? Kayo ang huwad at ako ang totoo. Kayo ang panlabas at ako ang panloob" Matalinghagang sabi ng pulubi. Tila may pinagdaanan. Baka gutom siguro kaya kung ano ano ang sinasabi.

"Excuse me, Halllerrrr.. I'm not luz.. iwww... lets go girls.. so yucky"
sambit ng isa sa tatlo habang palayo, sa kanilang pagalis narinig ko pa ang kanilang hagikgikan.

Napatingin sakin ang pulubi, nanlilisik ang matang lumapit sa akin. Ni hindi ako nakaramdam ng kaba.

"Ikaw, sino ka, di mo din ba ako kinikilala? matapos nyong saiirin ang kagandahan ko"
ang tanong sakin ng pulubi sabay tingin mula ulo hanggang paa.

"Kilala kita, at tama ka, silang tatlo at ikaw ay iisa." Humithit ako ng isa pa sabay pitik ng upos sa malayo.

"Ikaw ang bansa ko,  at ang tatlong babaeng iyon ay ang bumubuo sayo, ikaw ang katotothanan alam ko, at alam ko bakit ka nagkaganyan." Sagot ko sabay kuha ng isa pang stick na marlboro.

"Sino ka, anong pakialam mo sa buhay ko, sagutin mo ako?"

"Hindi mo ba alam, nandito ka sa blog ko, topic kita ngayon, baka sakaling makita  at maintindihan ng magbabasa nangyayari sayo. Ako si Banjo, sumusulat ng kwento mo."

May padaan na bus at aking pinara.

"Hanggang sa muli nating pagtatagpo dito. Sana'y maayos na ang pamumuhay mo sa mga susunod kong kwento"









Biyernes, Pebrero 18, 2011

TAGUAN



Nagpunta ko sa likod bahay para kumuha ng sinibak na panggatong para sa pagsasaing ni Nanay, sa hindi kalayuan narinig ko ang ingay na sigaw ng isang bata.

"Pagbilang ko ng sampu nakatago nga kayo"

isa...

dalawa...

tatlo..

apat..

....

sampu.. game...

Lumapit ako sa may bakod upang pagmasdan ang naglalaro. Hmmm, ang anak pala ni Ka isyong na kapitbahay namin.. sya pala ang taya. Isa isang hinanap ang kalaro sa pinagtataguan, may nagtatago sa likod ng puno, sa halaman, may nagkukubli pa sa tumpok ng damo na pinaggapasan ng paligid.

Nahirapang maghanap.. matinik magtago ang mga kalaro..kamot dito, pakiramdam doon, binabantayan ang base.. lalayo... babalik..  at Pung.... pung....  pung... hanggang sa makita ang huling nakatago. Apat pala ang nagtatago at nataya nya lahat.  Tuwang tuwa ang anak ni Ka isyong, dinig ko pa ang tawa at may patalon talon pa.

Naaliw ako sa panonood, natatawa sa reaskyon ng anak ni Ka Isyong.

Nataya ang unang na pung, humarap sa puno, nagtakip ng mata. Bumilang..

"Pagkabilang ng sampu nakatago na kayo"

Habang nagbibilang, napansin ko ang kamay na nakatakip sa kanyang mata, nakabuka ang daliri.. palingon lingon sa paligid.. halatang nandadaya.

"Sampu"

Kunwaring naghahanap.

Wala pang isang minuto, nahuli nga gad ang kanyang mga kalaro.

"Ang daya mo naman eh"

"Oo nga, di ka nakapikit, nakikita mo naman kami eh"

"Hindi kaya, ang bulok nyo lang magtago"

"Madaya ka, jan ka na nga, wag ka na sumali sa amin"

"Bleh! Bleh! Bleh!"

may paglagay pa ng kamay sa tenga at pinawagayway ang daliri sabay labas ng dila ng mga bata.

Nagtakbuhan ang apat na magkakalaro at naiwan ang bata, mangiyak ngiyak na nakatingin lang sa kanyang mga kalaro habang nagtatalunan pa palayo.

"Banjo, aba'y dalian mo naman... "

"Oho nay, nanjan na ho"

Napatingin sakin ang bata, kinawayan ko at sukat ba namang lalong umiyak at nagtatakbo.




*** Anong meron? 
O diba, sa riyalidad walang kahalintulad na kasiyahan ang mararamdaman para sa sarili ang magtagumpay ka dahil sa pagsisikap, paglaban ng patas ng walang inaapakan. Ang makamit  ang  mithiin bunga ng masamang pamamaraan, sa pandaraya, panloloko at panlalamang ng kapwa, ay hindi matatawag na tagumpay,  sa halip maituturing  lang tayo na  Yaya ni Angelina, you're such a loser!  TALUNAN.






 

Martes, Pebrero 15, 2011

MUNTING ANGHEL

Sa twina, nagigising akong madilim ang paligid. Hindi ko alam kung anong klaseng lugar ito. Balot ng kadiliman, wala ako makita ni kapirasong liwanag. Madalas nagigising akong nagugutom. Wala akong magawa kundi ang maghintay ng pagkain na darating sa aking bibig. Wala akong lakas para sa aking sarili, saan ako hahanap ng pagkain ganitong puro kadiliman ang paligid.

Lumilindol na naman, dugdug.. dugdug.. dugdug.. pabilis ng pabilis ang tunog na iyon na madalas ko ng naririnig. Hindi ko maintindihan kung anong nangyayari, bakit ako nandito. Anong klaseng lugar ba ito? May ingay, may nagsasalita na hindi ko maintindihan.

"Putang ina mong babae ka, lumayas ka dito, hindi kita anak"

"Itay, patawad po, hindi ko sinsadya ang nangyari"

"Walanghiya kang bata ka. Pinalaki kitang may takot sa Diyos, minahal ka namin ng ina mo, binuo namin ang mga pangarap namin sayo, tapos ganito pa ang igaganti mo sa amin, lumayas kang suwail ka"

"Arayyyy.. tama na po.. maawa na po kayo sa akin"


Kasabay ng mga ingay  ay ang pagdagundong muli ng tunog na iyon, at ang pagyanig ng aking paligid. Ano ba itong nangyayaring ito? Anong ingay ang aking naririnig? Sinong babae? sinong Itay? Ano ang pinaguusapan nila? Hindi naman nagtatagal at nagkaron ng katahimikan. Ang ingay napalitan ng pagtangis. Pagiyak ng isang babaeng hindi ko makita, kasabay ng haplos ng kamay na aking nararamdaman. Kapayapaan. Nasaan ba talaga ako?

Hindi ko namamalayan ang paglipas ng panahon. Mga panahong katahimikan at kadiliman pa rin ang sa akin ay nakapaligid.  Subalit, sari saring ingay pa din ang aking naririnig nitong mga nakaraan. Iba't ibang boses, iba't ibang tunog. Ibat ibang awitin, iba't ibang tinig.

Hanggang sa muli, yumayanig na naman sa aking kapaligiran, palakas ng palakas. Isang nakabibinging sigaw ang aking naririnig. Nakakaramdam na ko ng takot. Anong nangyayari? Eto na naman ako, hindi ko malaman kung saan ako kakapit. Sa isang bahagi ng lugar na ito, may liwananag akong nakikita, tila kidlat sa una. Parang nabutas na dingding.  Unti unti, lumiliwanag ang kapaligiran. Mapusyaw na liwanag subalit hindi nawawala ang sigaw. Ilang sandali pa at wala na ko sa lugar ng kadiliman. Malinaw na ang tinig na aking naririnig subalit hindi ko maintindihan.

"Pa...ta......wad anak....,  hin....di ko na ka.....ya"

Sa utal na salita ng babaeng iyon, kasama ng pagtangis at pag iyak, unti unti muling nagdidilim ang aking kapaligiran. hanggang sa wala na kong naramdaman. At ang pagtigil ng aking isipan.

Sa pagmulat ng aking mga mata, kapayapaan ang aking naramdaman. Subalit nakamasid sa babaeng nakaluhod na luhaang nakatitig sa sanggol na nasa loob ng kahon sa isang tambakan ng basura. Gusto kong lumapit, gusto kong magtanong, baka ito na ang kasagutan subalit nagmamadaling umalis ang babae. Unti unti naging malinaw sa aking ang lahat. Hindi ko na kayang pagmasdan pa ang aking kalagayan.  Nararamdaman ko, ako ang sanggol na nasa loob ng kahong iyon. Kay lupit naman ng pangyayari. Ano ang aking kasalanan?

May humawak sa aking kamay, isang munting anghel na kagaya ko. Nakangiti sa akin. Tumalikod na kami at tumungo sa kaitaasan.






Lunes, Pebrero 14, 2011

PASASALAMAT

Bago ang lahat, isang maligayang araw ng mga puson puso sa lahat.. O, panigurado puno na naman ang mga tirahan ngayun, at paalala lang sa lahat ng pupunta sa motel nagmamahalan. Wag kalimutan magtiwala (trust) hehehe.

Kakaopen ko lang ng nito ng mabasa ko ang mga pagbati sa chatbox ko, may mga pagbati akong nabasa mula sa ilang kaibigan. At ayun, dali daling lumabas ng bahay at nagpunta sa bahay ni marekoy KAMIL. Naku, hindi ko inakala ito, nanalo ang entry ko na PAG-IBIG bilang the ulitimate winner sa Mapagmahal Blog Awards sa pacontest ng ating kaibigan na si Kamil.. wow.. many thanks talaga.





Ito un first time na nanalo ako sa ganitong contest. Sobrang saya ko naman talaga.. hahaha... congrats naman sakin.. yesss. Hindi ko akalain. May sense pala ung ginawa ko hihihi. Kamil, kung malapit ka lang, napakadaming hugs at kisses ang ibibigay ko sayo. Pero syempre, hindi ko gagawin un. Isa lang hehehe. Baka mapatay ako ng boypren mo eh.. 

Bukod po jan eh natanggap ko din ang award Bilang Pantastiko blog award (entry na simple pero may dating sa mga hurado)



Alam ko mahirap ang mag-set up ng ganito, sobra ang effort na ginawa ni Kamil.. kaya saludo ako sayo marekoy... Sayo ang karangalan. At ikaw ang ultimate winner sa totoo lang. Thank you much marekoy Kamil.. mwahh mwahhh.. :)

Thanks sa lahat ng sumali, thanks po sa lahat ng nagbasa, thanks po sa mga judge (ung full payment eh padala ko na lang sa inyo hahaha joke lang), thanks sa lahat ng mg kabloggers, thanks po kay Kamil (Sana meron ulit kasunod) at higit sa lahat, thanks po sa KANYA.  Thanks po ng madaming madami.. :)

Para po sa akin, panalo tayo lahat.. Congrtulation po ulit.. CHHEEERRRZZZ..






(sensya na po kung maikli lang ang aking speech, hindi po kasi ako sanay hehehe.. samalat ng madami) 












Biyernes, Pebrero 11, 2011

SA ZOO..

Pitong buwan ang lumipas ng huli kong puntahan ang  ZOO  na pinasyalan namin noong ako'y elementary pa lamang at ngayon eto uli ako, nandito na naman, dito dinala ng mga paa kong walang pagod sa paglalakbay. Ayaw ko na sanang bumalik sa lugar na ito dahil sa murang edad ko noon, aking nasaksihan ang kalupitan ng tao sa hayop. Ano ang nagawa nila para sila ay ikulong? Sila ba ay nangreyp? sila ba ay pumatay? sila ba ay nangurakot? Bakit may ganitong lugar, para pag-aralan? para makita pa ang uri nila? o para magkaron sila ng pera?

Unang una ko ulit pinuntahan ang lugar kung saan dun nakakulong ang kinatatakutan ko noon. Ang kulungan ng mga buwaya. Pero hindi na ko nagbabakasakaling may nakakulong doon na congressman, mayor oh kahit branggay tanod man lang. Siguro suntok sa buwan ang isipin kong yun hangga't walang pagbabago pa sa sistema.

Tanda ko pa noon, pitong buwan ang nakakalilipas binilang ko ang dami ng buwayang ito. Marami sila, as in marami pa talaga sila. Ngayon binilang ko ulit, hindi ako makapaniwala, isa pa, binilang ko ulit.  Isa.. dalawa.. tatlo.. hanggang sa panghuling bilang. Kulang talaga ng dalawa. Bigla ako kinabahan ng oras na yon. Sa isip ko, baka nakawala at nasa paligid lang, naghihintay ng kanilang malalamon.

Balisa akong palingon lingon sa paligid, alerto ang bawat galaw. Maya maya pa lumapit sakin ang guard ng lugar na iyon, napansin siguro ang aking pagkabalisa.

"Anong problema sir"

Hindi ako nagpahalata ng aking kaduwagan. Nagkunwaring ayos lang ako.

"Ah wala naman kuyang, may kumagat na langgam kanina, hinahanap ko lang"

"Ganon po ba, sige po at enjoy lang po kayo sa pamamasyal"

"Teka lang kuyang, matanong ko lang, nung huli ako kasi nagpunta dito eh madami ang mga yan, ngayon binilang ko eh kulang naman ng dalawa, nasan na dalawang yun?"

"Ah kulang na nga po yan sir, ung isa.. ung babae na maliit?, opo babae ang buwayang yun. Inilpat na namin ng pwesto, baka kasi mabuntis sir eh manganak pa ng kagaya nya. Lam mo ba sir na yun ang pinuno nila?  Ngayon hindi na, pero may pwesto pa din, hindi ko nga alam kung may lahing tuko yun eh, ang higpit kumapit"
 

"Ayos kuyang sa kwento ah. Kilala ko yan, Eh yung isa nasaan na, dalawa ang nawala eh?"

"Sir, hindi yata kayo nanonood ng TV o nagbabasa ng dyaryo eh, Patay na po!" 

"Ha paano, anong ikinamatay?"

"Magbasa ka kasi ng dyaryo o manood ng TV Sir, laman sya ng balita ngayon. Kaya nga po binabantayn namin ang mga yan, baka gumaya doon"

Naglakad na palayo si kuyang guard ng lugar na yon.. napangiti ako sa aking sarili..sa isip isip ko. Ito na ang umpisa.. :)












***
oooppss maraming salamat po sa lahat ng inyong boto para sa ating pakikiisa sa mga Palaweno.. sa mga hindi pa po na boto.. punta tayo DITO 

Huwebes, Pebrero 10, 2011

MAKIISA TAYO

 
Ang mga pangyayari sa ating buhay ay manipestasyon ng ating ginagawa. Gumagawa tayo dahil meron tayong pinpuntiryang resulta. Ang hindi lang natin madalas napapansin ay ang kinahihinatnan o ang ibang kinalabasan ng ating ginawa bukod sa resultang ating hinangad.

Sino ba sa atin ang hindi nangangarap ng kaginhawaan. Lahat naman tayo siguro eh pangarap ito. Nangangarap tayong umangat o mas umangat pa sa kinalalagyan natin ngayon. Tama lang na magkaron ang bawat isa ng pangarap na ganito. Sa bawat pangarap, syempre kailangang tapatan natin ng matinding pagisisikap at pagpupursige upang maabot ito. 

Pero kung hindi magiging parehas ang pamamaraan ng pagsisikap upang maabot ang mithiin ng bawat isa at merong pandaraya o panlalamang, at pananapak sa kapwa, sa bandang huli ay pananagutan din ng ating  mga sarili ito. At pag minalas pa, maaring madamay pa ang taong nakapaligid sa atin.

Maaring nagtagumpay tayo sa ating ambisyon na kaginhawahan dahil sa panlalamang, ngunit sa kabila ng tagumpay nating ito ay kabiguan ng iba. At maari ding ang mismong inagrabyado, nilapastangan o ating inapakan ang babawi ng tagumpay nating ito. Na sa kamalasan, nadadamay ang ibang lumaban ng parehas.

Sa ating mga parehas lumalaban, hiihintayin pa ba nating maging biktima tayo ng kanilang tagumpay? Hihintayin pa ba nating madamay tayo sa bagsik ng pagsingil ng kanilang nilalapastangan para sa kanilang ambisyon?

Ano ba ang aking tinutumbok at ang haba pa ng pasakalye ko?

Bilang suporta kasama ang kaibigang si Sir J.Kulisap

naririrto mga kaibigan.. may magagawa pa tayo.. 
    





*** ISANG BOTO MO LANG KAIBIGAN, MALAKING TULONG NA PARA SA ATIN.
      http://no2mininginpalawan.com/

Miyerkules, Pebrero 09, 2011

BASTOS BA O BASTOS NGA BA?

 (paalala: ang susunod na inyong mababasa kung di mo skipread hehehe ay naglalaman ng ilang salita nahindi angkop para sa mga  bata. Patnubay ng.... ng..... ng....  ah bahala ka na.. hehehe)



Kagabi lang habang kausap ko ang isang kapitbahay na matanda sa harap ng aming tindahan, Bumili sya ng isang sardinas, 5 piso na suka, isang balot ng miswa, at nang alltime magic sarap, biglang nalalag ang hawak nyang pera, di ko alam kung bakit pero sumigaw sya ng "ay puke ng palakang nahulog at tumalon ayyyyyy... " wahahaha.. sabi ko kay Inang.. "nasaan ho, nasaan? nasaan? wahahahaha.." "dyaskeng bata ka" pero pinulot ko isa isa ang barya na nanlaglag.

Iba't iba ang ekspresyon ng mga matatanda sa nayon o ang lumalabas na salita sa kanilang bibig kapag sila ay nagulat, o sa mga di inaasahang pangyayari na malayo ang kanilang pagiisip. Ang mga salitang ito ay tumutukoy sa maseselang bahagi ng katawan ng isang tao o ng hayop. Katulad na lang ng "ay titi ng kabayong malaki", "ay uten mo", "ay bayag ng kalabaw", "ay titi ni San Pedro", at iyon nga sabi ni kakang "ay puke ng palaka".  Ang bastos ba? siguro nga bastos ito kung ang mag iisip ay isang mangmang. Iniisip ko kung ito ay kabastusan, bakit inimbento pa ang salitang itinitawag nating sa ating maseselang bahagi ng ating katawan. Sa tingin ko naman, kabastusan na ito kung sadyang tinutukoy na may halong malisya sa isip o kamanyakan.

Sa aming baryo may isang matandang magweweteng, iba naman ang estilo kapag nagugulat. Isang beses tumaya ako sa kanya kasama ko ang barkada ko, biglang sumigaw ang barkada ko ng "HINATAW NG PAYONG". at arrraaaaaayyyyyyyy.. hinataw nga ko ni kakang sa mukha, sapol na sapol. Nakatutuwang isipin na may ganong tao pag nagugulat, pero hindi ko naman pinagtatawanan.

Ang ganitong ekspresyon ay hindi lamang sa matatanda natin maririnig. Sa panahon ngayon,  maging sa mga kabataan o kahit sa bata pa lamang madidinig na din. Ang kaibahan nga lang, hindi lang sa pagkagulat nila ito binabanggit kundi maging sa kanilang ordinaryong paguusap. "PutangIna pare, ayos ito", "shit, nalumitan ko cell ko". "Tang ina naman, ang ganda, fuck". Yan ang palamuti sa bibig ng karamihan ngayon. Mga salitang kahit sa anong paraan pa natin banggitin. Sa katuwaan, sa kwentuhan, galit, pagdaramdam, sa kahit na anong pangyayari, hinding hindi mababago ang kahulugan.  

Siguro nga patunay lamang na lumilipas ang panahon. Kasabay ng pagbabago ng panahon natin ay pagbabago ng paguugali ng tao. At depende na din siguro sa kanilang paligid. Pero hindi naman isa siguro ito dahilan para maging palamuti na ito ng bibig sa araw araw. Hindi naman sana dumating ang panahon na sumalamin na din sa ating pagkatao ang lahat nababanggit nating ganito.

Wala lang, napansin lang ng tambay dahil kay Inang.  :)

Martes, Pebrero 08, 2011

SULAT MULA SA NALIMUTAN NA

Busy masyado ang istambay ngayon dahil sa monthend reporting namin. Kaya para maiupdate lang ang bahay, naghalungkat na lang ako ng mga dati ko ng nasulat. Nalalapit na ang araw ng mga puso kaya maki puso na din ako. :)

-------


Dear Aking Mahal

Natatandaan ko pa noong tayo'y laging magkasama, ang pinaka masayang araw sa aking buhay, mga panahong kapiling kita. Mahal na mahal mo ako noon, walang pagsidlan ng iyong kaligayahan. Lagi mo kong kasama san ka man magpunta, ipinagmalaki mo ko sa mga kaibigan mo. Magkayakap tayo  sating pagtulog. Sobrang saya natin noong maging magkapiling tayo. Pinasaya kita sa lahat ng pagkakataon, ako ang karamay mo sa sandaling may problema ka, inaawitan kita. Minsang nagagalit ka sa iba, ako ang pinagbabalingan mo.. pero ok lang, masaya ako, ako pa din ang karamay at katulong mo.. sakin ka nagsasabi ng lahat ng hinanaing mo sa buhay. San man tayo naroron, napakalaking kasiyahan ang nararamdaman ko. sa pamamagitan ko, nagagawa mong ngumiti kahit na malungkot ka. Sa pamamagitan ko, marami kang natutunan. Yan ang pinakamasayang sandali saking buhay, ang kapiling ka aking mahal.

Pero sa kabila ng lahat, alam kong magiging panandalian lang ito.. kasi alam ko, hindi ka pa kuntento sakin, kahit na gawin ko lahat ng kaya kong gawin, hindi ka pa din makukuntento sakin. At dumating nga ang pagkakataon na yun, isang araw sating pamamasyal, may pumukaw ng atensyon mo, isang mas bata sakin, pogi, nabighani ka sa kanyang kakisigan. Wala ako nagawa kundi tumahimik na lang. Nagselos selos, umiyak ng hindi mo nararamdaman, at hindi nga ko nagkamali, lahat ng pinagsamahan natin, biglang naglaho, ipinagpalit mo na ko sa kanya. Walang alinlangan, isinasantabi mo na ko, wala na kong pakinabang sayo. Di nagtagal, ipinamigay mo na ko.. ang sakit. Sana man lang, binigyan mo pa ko ng importansya, binigyang halaga mo ang ating pinagsamahan. nakakalungkot naman. Pinaghirapan mo ko nakuha noon, ngayon isang pikit mata, binalewala mo ko.

Alam ko sa mga panahong ito, sa tuwing maiisip mo ko,o kung pumapasok pa ba ko sa isip mo,  pinagtatawanan mo na lang ako. Pero ok lang wapakels na din ako sa yo, ngayon pa na hindi ko na alam kung san ako naroroon, ngayon pa na alam kong hindi ka din naging masaya sa ipinalit mo sakin. Ngayon pa.. ngayon pa.. ngayon pa.. na karamihan ay huwad ang kalooban ng nagugustuhan mo.

Paalam na sayo mahal ko..











Nagmamahal,
Nokia 5110i

P.S. Ayos lang sakin ang nangyari dahil alam kong sasapitin din nila ang sinapit ko sa'yo..


(walang wenta lang ito hehehe, pero salamat)




 
      

Huwebes, Pebrero 03, 2011

MANGGA


Tutut.... tutut... 

Abala ako sa pagkukumpuni ng broom broom ko ng may nagtxt. Kinuha ko selepon ko at binasa, aba at ang walanghiya dumating na pala, nakaalala pa.. napangiti ako sa nabasa ko. 


Tanda ko pa noon, lumapit ka sa akin at inaya mo kong mag inuman. Limang beses ka nabigo sa pag ibig sa iisang babae. Sa bawat inuman natin, ramdam ko ang sakit na nararamdaman mo. Ibinuhos mo sa alak ang lahat. Hanggang sa huling beses ka lumapit sakin, at inaaya mo ulit ako mag-inuman. Sa isip isip ko, basted ka na naman. Tama nga ang nasa isip ko, pang anim na beses na ito at sa iisang babae. Wala ka talagang kadala dala.


Sa halip na mag-inuman tayong dalawa, inaya kita sa manggahan namin, panahon ng mangga noon, maraming bunga. Pinili ko ang punong minalas, nagiisa lang ang bunga at na sa tuktok pa. Itinuro ko sayo, Inutusan kitang kuhanin mo iyon sa pamamagitan ng pagpukol. Wag mong titigilan hanggang hindi mo tinatamaan at nakukuha. Tanong mo sa akin, "Tanga ka ba?". Sagot ko naman sayo, "Gawin mo na lang at malalaman natin mamaya kung sino ang tanga".


Unang pagpukol, sala. Pangalawa, pangatlo.. hanggang sa hindi ko na mabilang kung naka ilang pukol ka. Pinagmamasdan lang kita, pawisan.. humuhingal.. tulo ang laway sa pagod.. ngalay na ang balikat at braso.. masakit na.. hanggang sa humiga ka na sa lupa pero hindi mo parin tinatamaan ang bunga. Sabi mo, "ayaw ko na, pagod na ko.. ginagago mo yata ako eh". Ngumiti lang ako sayo. Iniabot ko sayo ang kamay ko at hinila kita patayo. Lumipat tayo ng puno na hitik sa bunga. Pumitas ka ng isa na abot kamay mo lang na walang kahirap hirap at iyong kinain. Sabi mo pa, "Ang sarap pare". Tumawa lang ako at tinanong kita. "Ngayon pare, sino sa atin ang tanga?". Natahimik ka at napaisip ng malalim.

Mula noon, hindi na kita nakita. Nalaman ko na lang na nag-abroad ka na pala. Tatlong buwan ka pa lang yata noon sa iyong trabaho ng aking mabalitaan na ikakasal na ang babaeng anim na beses nambasted sayo. Naisip agad kita noon. Sigurado kung nandito ka, baka puno na ng niyog ang ipapukol ko sayo.


Dalawang taon ang lumipas at ngayon nga nagtext ka...

"Pare, kumusta? dito na ko sa atin, punta ka dito sa bahay, inuman tayo. Let's celebrate, malapit na ko ikasal."

"Ok pare, welcome back. Punta na ko jan." reply ko..

"Di ko na kailangang pumukol ng mangga, salamat pare"


Naisip ko, sayang kung hindi ka pa din nadadala, marami pa naman niyog dito sa amin.. hihi :)













***hinugot ko lamang sa kaluban ng aking kukote.
      Na-gets mo ba? kung ganon.. apir ^_^

Martes, Pebrero 01, 2011

PAG-IBIG

(entry para sa Mapagmahal ng ating kaibigan na si Kamilla. )

---

klang... klang..... klang.....


Hudyat na tapos na ang misa, lumabas ako ng simbahan upang bumati sa mga kakilala. Sa makalabas ng simabahan, naabutan ko ang isang lalaking  may bitbit na bulaklak at nakatingin sa akin. May konting pagkagulat sa aking mukha dahil ilang taon na din ang nakalipas ng huli ko sya makita at makausap.. habang papalapit ang lalaki, bumalik sa aking alaala ang nakaraan, ang paguusap namin bago kami maghiwalay.

-----------------------------------------

Sa labas din ng simbahang iyon.. sa ganito ding araw at oras

"Abner, humihingi ako sayo ng kapatawaran"

"Anong sinasabi mo aking mahal? anong patawad?"

"Matagal ng bumabagabag ang damdaming ito sa akin, patawad Abner, pero may iba akong mahal. Sa kanya ko natagpuan ang kaligayahang matagal ko ng hinahanap"

"Hindi totoo yan, sabihin mong nagbibiro ka lang sakin, cathy mahal na mahal kita. Totoo akong umiibig sayo"

"Hindi ako karapatdapat sa pagibig mo, may iba akong mahal, nasa kanya ang aking kasiyahan. Patawad kung nagamit kita sa pagtimbang ng tunay kong nararamdaman, mahal din kita abner, pero naghuhumiyaw ang aking pagibig sa Kanya, siya ang aking kaligayahan. Siya lang ang minahal ko ng ganito"


"Hindi yan totoo... Sino cathy, sabihin mong sino ang karibal ko?.. Hindi, hindi totoo ito. Ang sakit. Sobrang sakit cathy." Hinagpis ni abner habang umiiyak..


"Humihingi ako sayo ng tawad, bukas na bukas din, handa ko ng ipagkaloob ang sarili ko sa kanya, wag mong isipin na hindi kita minahal. Subalit ito ang aking kagustuhan, Siya ang gusto kong paglingkuran habang buhay ko, nasa kanya ang aking kasihayan."

"Sino sya Cathy, sino ang mapalad na lalaking yan?"

"Hindi na Abner, hindi mo na kailangan malaman pa. Sana mapatawad mo ko?"

"Masyadong masakit itong ginawa mo sakin, mula ngayon hinding hindi mo na ko makikita pa, iginagalang ko ang pasya mo, sana pagdating ng araw na magkita tayong muli, walang pagsisisi sayo"


Tumalikod si Abner, lumayong nakayuko ang ulo na parang pinagbagsakan ng langit at lupa. Masakit din sa akin ang nangyari, ang makita ko syang  nasasaktan. Sa dulo ng aking matang luhaan, napansin ko ang kumpol na bulaklak sa lupa, hawak nya ito kanina lang,  akin itong pinulot at binasa ang nakakabit na sulat.

"Happy Valentine's Day mahal ko"

Napatingin ako kay Abner pagkatapos kong mabasa.

"Patawad, hangad ko ang tunay na kaligayahan para sayo, sana matagpuan mo din ang babaeng magbabalik ng kaparis ng pagmamahal mo, patawad muli Abner, hindi kita malilimutan"

--------------------------------------------------

klang... klang..... klang.....

Nagblik ang aking kamalayan dahil sa kalembang na iyon at ang paglapit ng lalaking matagal ko na ding   hindi nakikita sa loob ng mahabang panahong lumipas.


"Hi, kilala mo pa ba ako?"

"Abner, ikaw nga, kumusta ka na?"

"Ok naman, masaya na din sa piling ng aking pamilya, so.. Siya pala ang karibal ko noon?"

"Abner, patawad, hindi ko na sinabi sayo dahil ayaw kong magalit ka sa kanya"

"Ako ang dapat humingi ng tawad sayo, sa kakitiran ng isip ko noon. Hindi ko akalain na Siya din pala ang tutulong sakin.  hmmm syanga pala nagpunta ko dito para sa binyag ng baby ko, iniimbitahan ko kayo at pati na ang mga bata"

"Salamat Abner, maligayang maligaya ako para sayo, hayaan mo makakarating kami doon"

"Salamat din at happy valentine's nga pala, ang bulaklak na ito, para sa kagandahan ng iyong loob, marami salamat muli sayo. Dahil sayo, nakilala ko Siya at binigay nya sakin ang tunay na kaligayahan."


Nakangiti kong tinanggap ang bulaklak, ilalagay ko ito sa altar ng aming bahay. Inihatid ko sya ng tanaw hanggang sa makasakay sa kanyang kotse, kasama  pala ang kanyang pamilya. Kumaway sakin ang mag-anak bago lumisan.  Hindi ko maiwasang mangiti dahil sa kasiyahang nadarama, kasiyahang hinangad ko para kanya.


"Good morning sister"

"Magandang umaga po sister"


Ang bati sakin ng bawat taong nagdaraan sa harap ko.

"Magandang umaga din po" aking tugon na may ngiti at paggalang sa aking labi.


Naramdaman ko na lang na may kumapit sa laylayan ng aking puting kasuotan. Isang Anghel na nakatira sa bahay na aming sinimulan, bahay para sa mga batang walang kanlungan.


"Sister Cathy, tayo na po, tapos na po ako magpray kay papa Jesus, hinihintay na po tayo ni Mother Luz."

Nakangiti kong ginusot ang ulo ng bata.. nakangiting tumingin sa altar at nagpasalamat para sa pangaraw araw na kaligtasan ng aking kapwa, para sa kasiyahan na nararamdaman ng bawat isa, at para sa pag-ibig ng Dakilang lumikha.







*** 
Tunay na walang kapantay ang pagibig ng maykapal sa mga nilalang na kanyang nilikha, sa kabila ng lahat ng pait na ating pinagdadaanan, nasa likod nito ang katotohanang ito ay daan lamang para sa ating tunay na kasiyahan.


Happy Valentine's Day to all